PNP, mas paiigtingin ang operasyon laban sa SPARU ng NPA

 

Kokontrahin ng Philippine National Police ang anumang banta na magmumula sa pwersa ng Special Partisan Unit o SPARU ng New Peoples Army (NPA).

Ayon kay PNP Chief Ronald Dela Rosa, mula ng tapusin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang peace talks sa mga rebelde ay napansin ng kanilang hanay na naging aktibo muli ang mga ito.

Napapadalas din daw ang pagatake ng SPARU lalo na sa mga urban areas.

Partikular na tinukoy ni Dela Rosa, ang pag-atake ng SPARU sa mga urban areas ng Mindanao, Region 13, Region 11, region 10 at maging sa Region 12.

Sinabi rin niya na target ng grupo na patayin ang mga pulis at sundalo.

Paliwanag ng opisyal, ongoing ang re-orientation ng kanilang mga unit sa field at mismong si Pangulong Duterte umano ang nag-komisyon sa mga retired police officers na turuan ang mga bago at batang police kaugnay sa insurgency at modus ng SPARU.

Samantala, tiniyak naman ni Dela Rosa na mahihirapan ang SPARU sa panahon ngayon.

Sa pamamayagpag umano kasi ng mga ito noong dekada 80 ay mahina pa ang teknolohiya at hindi agad nare-report ang aktibidad nila.

Anya, sa ngayon daw na uso na ang text, ay mabubulabog agad ang mga SPARU at maiiwasan ang kaguluhan na maaring idulot nila.

Nabatid na sa graduation rites ng PNPA Maragtas Class, muling binuhay ng pangulo ang tungkol sa SPARU.

Nagiging aktibo na naman daw kasi ang mga ito at nagkakaroon ng kalat na pag-atake sa mga ilang lugar.

Read more...