Ayon sa bagong circular order mula sa Department of Energy, inaatasan ang mga manufacturers at retailers na lagyan ng marking na “For Outdoor Use Only” ang bawat unit ng Shine Gaz, Petron Gasulette, Superkalan, at Powerkalan (Pryce Gases).
Magsisilbi ring babala sa mga consumer ang marka na hindi dapat gamitin sa loob ng bahay ang produkto.
Ayon sa Dept. of Energy, walang Pressure Relief Valve o PRV at regulator ang 2.7 kilograms na LPG cylinder at mas malaki ang tsansang magkaroon ito ng leakage kumpara sa regular na LPG tank na ginagamit sa bahay.
Paliwanag ng DOE, kapag nasa loob ng mga saradong lugar ang LPG, maaring mamuo ang LPG vapor na posible namang magresulta ng pagsabog o sunog.