Milyun-milyong piso na ang nawawala sa mga hotel sa Boracay sa gitna ng hindi pa matiyak na kahihinatnan nito kaugnay ng rehabilitasyon ng isla.
Ayon kay Organization of Hotel Sales and Marketing Professionals President Christine Ibarreta, nawalan ng P68 Million na kita ang isang hotel.
Kung magpapatuloy aniya ito, posibleng tig-P50 Million ang mawala sa hindi bababa sa 10 hotel.
Ipinahayag ni Ibarreta na kinakansela ng guests ang kanilang bookings dahil sa malabong kapalaran sasapitin ng Boracay.
Aniya, kawawa ang mga stand alone hotels o ang mga hotel na walang branch sa ibang lugar.
Ayon naman kay Philippine Tour Operators Association auditor Mary Ann Ong, bumagsak nang kalahati ang booking tours sa isla.
Napilitan aniya ang operators na magbenta ng tickets sa mga destinasyon sa labas ng bansa.
Sinabi ni Ong na inaabangan ng lahat kung isasara ang Boracay nang dalawang buwan o anim na buwan.
Umapela naman si Tourism Congress of the Philippines President Jose Clemente III na patapusin muna ang kanilang bookings nang isang taon at magawa pa ang ilang paghahanda.
Matatandaang inirekomenda ng ilang ahensya ng gobyerno ang hanggang isang taong pagpapasara sa Boracay para linisin ito dahil sa hindi maayos na sewerage ng ilang establishemento.