Dating Senador Bong Revilla humiling ng provisional liberty sa Korte Suprema

Inquirer.net file photo

Hiniling muli ni dating Senador Ramon “Bong” Revilla sa Korte Suprema na payagan siyang pansamantalang makalaya habang dinidinig ang kasong plunder laban sa kanya sa Sandiganbayan.

Naghain ng urgent motion si Revilla sa Mataas na Hukuman at hiniling na siya ay pagkalooban ng provisional liberty hanggang sa madesisyunan ang kanyang main petition.

Ang kasong plunder laban kay Revilla ay may kinalaman pa rin sa umano’y pagkakasangkot niya sa pork barrel scam.

Sa kanyang mosyon, muli ring hiniling ni Revilla na pigilan ng Korte Suprema ang pag-usad ng paglilitis sa Sandiganbayan sa kanyang kaso sa pamamagitan ng pagpapalabas ng writ of preliminary injunction o restraining order.

Sinabi din ni Revilla na baka magahol o maubusan na siya ng panahon para makapagprisinta ng ebidensya para madepensahan ang sarili.

Aniya, mula kasi mahigit 5,000 piraso ng mga ebidensya na tinanggap ng Sandiganbayan mula sa prosekusyon, ay hindi malinaw na tinukoy kung ano sa mga inihaing ebidensya ang makagpapatunay ng elemento ng plunder.

Kaugnay nito, hinihimok ni Revilla ang Korte Suprema na magtakda ng oral arguments sa kanyang petisyon.

Si Revilla ay mahigit tatlong taon nang nakakulong sa PNP Custodial Center magmula noong Hunyo 2014 dahil sa kasong plunder.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...