Bumaba ang satisfaction rating ni Vice President Jejomar Binay sa isinagawang survey ng Social weather stations sa ikatlong quarter ng taong 2015.
Nakakuha si Binay ng rating na +33 o good, na mas mababa ng siyam na puntos kumpara sa +42 noong second quarter, pero mas mataas ng bahagya sa +33 noong first quarter.
Batay sa ratings ng SWS, ang ratings na +70 ay itinuturing na “excellent”; ang +50 hanggang +69 ay “very good”; +30 hanggang +49, ay “good”; +10 hanggang +29, ay “moderate”; ang +9 hanggang -9, ay “neutral”; ang -10 hanggang -29, ay “poor”; ang -30 to -49, ay “bad”; ang -50 hanggang -69, ay “very bad”; at ang -70 pababa ay “execrable.”
Samantala, sa parehong survey, si Senate President Franklin Drilon ay nakapagtala naman ng pagtaas ng ratings.
Mula sa dating +29 o moderate, nakakuha ngayon si Drilon ng +42 o good o katumbas ng 13 points na pagtaas.
Si House Speaker Sonny Belmonte naman ay bumaba ng apat na puntos ang ratings at nanatili sa ‘neutral’ sa +5 sa ikatlong quarter ng taon.
Habang si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno ay bumaba naman ng 7 points ang rating matapos makakuha ng +4 o neutral mula sa +11 o moderate noong ikalawang quarter ng taon.
Isinagawa ang nasabing survey noong September 2 hanggang 5.