Nanindigan si House Speaker Pantaleon Alvarez na kailangang magkaroon ng educational requirement ang mga nais tumakbo sa Senado at Kamara.
Ayon kay Alvarez, kailangang isulong ang panukala upang maisama sa pagbabago ng Saligang Batas.
Sinabi ng House Speaker na bukod sa educational requirement, nais din nito na maging civil service eligible ang mga nais manungkulan sa lehislatura.
Paliwanag ni Alvarez, kung ang mga staff ng senador at kongresista ay nangangailangan ng civil service eligibility, mas lalo aniyang kailangan ito para sa kanilang mga mambabatas.
Iginiit nito na kung magkakaroon ng ganitong requirement, mas makatitiyak na kwalipikado at may kakayahan ang mauupo sa Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Sa ngayon, ang tanging requirement sa pagka-senador ay natural-born citizen of the Philippines, 35 taon sa oras ng eleksyon, marunog magbasa at magsulat, rehistradong botohan at residente ng Pilipinas sa loob ng dalawang taon.
Samantala, sa mga tatakbo sa Kamara, ang kailangan lamang ay natural-born citizen of the Philippines, 25 taong gulang sa araw ng eleksyon, marunong magbasa at magsulat at residente at rehistradong botante ng distritong tinatakbuhan sa loob ng isang taon bago ang halalan.