Duterte mananahimik muna sa pagpasok ni Napoles sa WPP ng DOJ

Inquirer file photo

Hands off muna si Pangulong Rodrigo Duterte sa hakbang ng Department of Justice na ipasok sa Witness Protection Program si pork barrel scam queen Janet Lim Napoles.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hindi pa maikukunsiderang state witness si Napoles dahil hindi pa naman siya naipapasok na pormal sa WPP.

Sa ngayon, provisional admission pa lamang ang naibibigay kay Napoles sa WPP dahil patuloy pang sinusuri ng DOJ ang kanyang affidavit.

“So right now po, hands-off muna ang Presidente dahil wala pa namang desisyon! Kapag nagkaroon po ng desisyon, tatanungin ko kay Presidente kung sang-ayon ba siya or hindi sa magiging desisyon ng DOJ”, ayon pa sa opisyal.

Lahat aniya ng mga haka-haka sa kaso ngayon ni Napoles ay pawang premature.

Tiniyak pa ni Roque na kapag may pinal na desisyon na ang DOJ ay personal niyang tatanungin ang pangulo kung payag ba siya o hindi na gawing state witness si Napoles.

Si Napoles ang sinasabing utak sa P6 Billion pork barrel scam matapos ilipat sa kanyang bogus na non- government organization ang pondo ng ilang senador at mga kongresista na laan sana para sa kanilang mga legal na proyekto.

Read more...