Generally peaceful ang ikinasang nationwide transport strike ng grupong PISTON o Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide.
Ayon kay Philippine National Police Spokesman Chief Supt. John Bulalacao, walang natanggap na ulat ang kanilang tanggapan na nagkaroon ng anumang kaguluhan sa Kamaynilaan.
Naging mapayapa rin ang monitoring ng mga Police Regional Offices.
Bagaman nagkaroon ng mass assembly sa ilang bahagi ng Metro Manila kaninang umaga, wala naman umano itong direktang epekto at hindi naparalisa ang trapiko sa kalsada kaya hindi naramdaman.
Base sa ulat ng NCRPO, apat na magkakahiwalay na pagkilos ng 95 myembro ng PISTON ang kanilang naitala ito ay sa bahagi ng Muntinlupa City; E. Rodriguez, QC;Old Capitol Site, QC; at Novaliches, QC.
Sa Central Luzon, nasa 150 myembro ng Kadamay ang nagkasa ng kilos protesta sa harapan ng Lucky Market , Bgy Siling Bata, Pandi, Bulacan.
Gayunman, natutukan ito ng otoridad at walang harassment na naitala sa mga hindi nakilahok sa strike.
Matatandaan na naninindigan ang mga miyembro ng PISTON sa kanilang pagtutol sa public utility vehicle modernization program ng gobyerno na anila’y “anti-poor’ ito na makakaapekto sa libu-libong jeepney drivers at operators sa buong bansa.