Panukalang divorce pinagtibay na ng Kamara

Inquirer file photo

Sa kabila ng pagtutol ni Pangulong Rodrigo Duterte, ipinasa na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang Absolute Divorce and Dissolution of Marriage Bill.

Sa botong 134 na Yes, 57 na No at dalawang abstention ay inaprubahan ng Kamara ang House Bill 7303.

Nakasaad sa panukala na ang petition para sa divorce ay kailangang ihain sa korte sa loob ng limang taon matapos mangyari ang grounds para rito.

Kasama sa mga grounds sa panukalang divorce na inaprubahan ang mga kasalukuyang grounds ng legal separation sa ilalim ng Family Code.

Idinagdag din sa grounds para sa divorce ang hindi pagsasama ng mag-asawa sa loob ng limang taon at ang pagkakakulong sa sugal.

Libre naman ang filling fee para sa indigent petitioner o iyong may kabuuang ari-arian na mas mababa sa P5 Million bukod pa sa maaari ang mga itong makakuha ng libreng serbisyo ng court appointed lawyer, social woker, psychiatrist at psychologist.

Sa ilalim ng panukala, mayroon ding alimony o sustento na iiwan sa pamilya na maaring bayaran ng isang bagsak o kaya naman ay base sa kasunduan ng magkabilang panig.

Mayroon ding summary proceedings na kasama sa panukala kung saan kabilang dito ang bigamous marriage ng respondent, ang hindi pagsasama ng mag-asawa sa loob ng limang taon, kung legally separated ang mag asawa sa loob ng dalawang taon, kung ang isa sa mag-asawa ay nasentensyahan ng anim na buwang pagkakulong at nagkaroon ito ng sexual reassignment ang isa sa mga ito.

Mayroon namang cooling-off period na anim na buwan matapos isampa ang kaso ang itinakda upang pag-ayusin ang mag-asawa at matapos ang nasabing panahon ay walang pagkakasundo saka itituloy ang divorce proceedings.

Kapag nagkaayos ang mag-asawa sa loob ng nasabing panahon o habang nasa kalagitnaan ng pagdinig ay ihihinto na ito ng korte.

Hindi naman kasama sa cooling-off period kung ang grounds ay pasok sa Violence Against Women and Children Law at ang mga grounds para mapasailalaim sa summary proceedings ang paghihiwalay ng mag-asawa.

Read more...