Mga Kongresista pinaghihinay-hinay sa pagsusulong ng divorce bill

Pinayuhan ni House Deputy Minority Leader Lito Atienza ang kanyang mga kasamahan sa Kamara sa pagpapasa ng Absolute Divorce and Dissolution of Marriage Bill.

Ayon kay Atienza, ngayong nagsalita na si Pangulong Rodrigo Duterte na tutol ito sa divorce ay dapat mag-isip-isip na ang kanyang mga kasamahang nagsusulong ng panukala.

Sinabi ng mambabatas na kahit pa ipasa sa Kamara ang panukala hindi ito magiging batas sapagkat hindi naman ito lalagdaan ng pangulo.

Payo pa ni Atienza sa mga kapwa mambabatas, palakasin na lamang ang pamilya base sa itinatadhana ng Saligang batas.

Para anya sa mga nagpipilit ng divorce dapat ayon kay Atienza na maghunos-dili ang mga ito at sundin ang tama.

Kaugnay nito, pinapurihan naman ni Atienza ang pangulo sa kanyang pagkontra sa divorce dahil patunay lamang anya ito na tunay na lider si Duterte sapagkat kahit popular ang panukala ay nagpahayag ito ng pagsalungat.

Ngayong araw, nakatakda ang pagpasa sa paukalang divorce sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara.

Read more...