Nanindigan ang kampo ni Chief Justice on-leave Maria Lourdes Sereno na tanging impeachment proceedings lamang ang pwedeng magpatalsik sa kanya sa pwesto.
Kasabay nito ay hiniling ng kampo ni Sereno sa Supreme Court na ibasura ang quo warranto petition na isinampa laban sa kanya ni Solicitor General Jose Calida.
Laman ng 77-pahinang tugon ni Sereno na inihain ng kanyang abogado na si Atty. Justin Mendoza ang paliwanag na walang kapangyarihan ng quo warranto petition para matanggal sa posisyon ng Chief Justice.
Nanindigan ang kampo ni Sereno na malinaw sa Saligang Batas na impeachment lamang ang siyang kinikilalang proseso para maaalis ang isang impeachable official tulad ng Punong Mahistrado.
Ito daw ang dahilan kaya dapat lamang na ibasura kaagad ang petisyon ng Office of the Solicitor General dahil pagsasayang lamang ito ng panahon.
Tiniyak rin ng kampo ni Sereno ang full cooperation nito sa impeachment hearing oras na mag-convine na ang Senado bilang isang impeachment court.
Doon umano sasagutin ng punto-por-punto ni Sereno ang lahat ng mga maling akusasyon na ibinabato sa kanya.