Itinanghal na Miss Universe Philippines 2018 ang singer at model na si Catriona Gray.
Kinoronahan siya ni Miss Universe Philippines 2017 Rachel Peters sa katatapos lamang na coronation night na nagsimula ng Linggo ng Gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Dahil dito, si Gray ang kakatawan sa Pilipinas sa mismong Miss Universe 2018 pageant na magaganap ngayong taon.
Simula pa lamang ng kompetisyon ay nagpasiklab na si Gray at nakuha ang karamihan sa mga major at minor awards kabilang ang Best in Swimsuit, Best in Long Gown, Pitoy Moreno Best in National Costume award, Jag Denim Queen at Miss Ever Bilena.
Sa question and answer portion ng pageant ay si United States Ambassador to the Philippines Sung Kim ang nagtanong kay Gray kung ano ang kanyang mensahe sa kababaihan ng Marawi.
Iminungkahi ni Gray sa kababaihan ng Marawi na manatiling matatag dahil ang imahe ng katatagan ng mga ito ang magiging dahilan din ng katatagan ng buong komunidad hanggang sa muling makaahon ang lungsod.
“My answer and my message to the women is to be strong. As women, we’re the head of household and we have amazing influence, not only in our own families, as mothers, sisters and friends, but also in our community. If we can get the women to stay strong and be that image of strength for the children and the people around them, then once the rebuilding is complete and underway, the morale of the community will stay strong and high,” ani Gray.
Nanalo na rin bilang Miss World Philippines ang kandidata noong 2016 at nakapasok sa Top 5 ng Miss World sa kaparehong taon.
Kung papalarin, si Gray ang magiging ikaapat na mag-uuwi ng korona ng Miss Universe sa Pilipinas matapos ang pagkapanalo ni Pia Wurtzbach noong 2015, Margie Moran noong 1973 at Gloria Diaz noong 1969.
Samantala, narito pa ang ilan sa mga nanalo at magrerepresenta sa Pilipinas sa world pageantry:
– Binibining Pilipinas Globe – Michele Gumabao
– Binibining Pilipinas Intercontinental- Karen Gallman
– Binibining Pilipinas Grand International – Eva Patalinjug
– Binibining Pilipinas Supranational – Jehza Huelar
– Binibining Pilipinas International – Ma. Ahtisa Manalo
Itinanghal naman bilang 2nd runner-up si Samantha Bernardo habang si Vickie Rushton ang 1st runner-up.