Sa abiso na inilabas ng CAAP, nakasaad na inaasahan nilang magkakaroon ng 8% passenger influx simula March 25 hanggang April 1.
Noong nakaraang taon, nasa 6,093,786 ang mga domestic at international passengers, at mahigit sa kalahati nito ay dumaan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kaya naman ayon sa CAAP, magdadagdag sila ng security measures upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at maging maayos ang operasyon ng 40 mga paliparan sa bansa.
Nakipag-coordinate na rin ang CAAP sa mga airline companies upang magkaroon ng mas efficient na processing, partikular na sa mga check-in counters.
Magpapakalat rin ng dagdag na mga empleyado sa mga paliparan at kasabay nito ay ipapatupad ang “no leave and day off” policy sa mga manggagawa sa kabuuan ng Oplan Semana Santa.
Nakipagtulungan na rin ang CAAP sa Office for Transport Security (OTS) para sa pag-check ng mga bagahe at Philippine National Police – Aviation Security Group (PNP-ASG) para naman sa seguridad at surveillance sa mga paliparan.
Paalala naman ng CAAP sa publiko, huwag nang magdala ng mga ipinagbabawal na gamit upang hindi na maabala pa at hangga’t maaari ay isang carry-on baggage na lamang ang dalhin.