3 bata sugatan sa pamamaril ng kapitbahay sa Cebu

 

Nagtamo ng sugat sa katawan ang tatlong mga menor de edad matapos tamaan ng bala ng improvised shotgun na dapat sana ay nakalaan para sa kanilang ama sa Sitio Mananga 2, Talisay City, Cebu.

Batay sa imbestigasyon ng mga otoridad, nagpunta sa kanilang bahay ang suspek na kapitbahay lamang nila na si Ricky Bustillo upang patayin ang ama ng mga biktimang si Rolly Dayanan.

Ayon kay SPO1 Aquilles Cabando ng Talisay City Police Station, nagkaroon umano ng alitan si Bustillo at Dayanan.

Matapos ang kanilang away ay umuwi pa ang suspek sa kanyang bahay para kuhanin ang kanyang improvised shotgun bago nagtungo sa bahay ng mga biktima.

Doon na niya pinaputukan si Dayanan, ngunit unang natamaan ang kanyang mga anak.

Nagpambuno ang dalawa sa shotgun, dahilan upang pumutok at matamaan naman sa tiyan at braso si Bustillo.

Agad na isinugod ang tatlong mga bata at ang suspek sa Talisay District Hospital at kapwa nasa maayos nang sitwasyon.

Sa ngayon ay naka-hospital arrest si Bustillo habang patuloy itong nagpapagaling.

Read more...