PNoy, ikinumpara si Rep. Leni Robredo kay Cory

 

Inquirer file photo

Inihalintulad ni Pangulong Benigno Aquino III si Rep. Leni Robredo sa kaniyang yumaong ina na si dating Pangulong Corazon Aquino.

Sa proklamasyon ng tandem nina Mar Roxas at Robredo ay sinabi ng Pangulo na hindi niya maiwasang ikumpara ang kongresista sa kaniyang ina.

Aniya, pareho silang biglang na-byuda at itinuring na hamak na maybahay lamang ngunit pareho rin silang tinawag ng tungkulin upang mamuno.

Dagdag pa ni PNoy, gaya ng kaniyang ina ay wala ring ambisyong tumakbo si Leni, pero nang hilingin ng kaniyang mga kasamahan ay nagsakripisyo upang mapagbuklod ang liderato sa Camarines Sur at naobligang tumakbo at magsilbi ng marangal.

Humanga rin si PNoy kay Robredo at sa tatlong anak nito sa pagtanggap sa hamon na tumakbo sa pagka-pangalawang pangulo para ituloy ang legacy ng yumaong asawa.

Kumpiyansa na rin aniya ang Pangulo na maipagpapatuloy ang “daang matuwid” at ang pagsugpo sa katiwalian dahil magka-tandem na sina Mar at Leni na lubos niyang pinagkakatiwalaan.

Ayon naman kay Leni, naging malinaw sa kaniya at sa kaniyang pamilya noong namatay ang kaniyang asawa na si dating Department of Interior and Local Government Sec. Jessie Robredo, na nais nitong magbigay rin sila ng sakripisyo para sa ikabubuti ng bansa tulad ng ginawa niya noong siya ay nabubuhay pa.

Ito aniya ang pangunahing dahilan kung bakit niya tinanggap ang alok ng Liberal Party kahit aminado siyang nahirapan silang pag-isipan ito.

Naniniwala rin si Leni na sakaling nabubuhay pa ang kaniyang asawa, sasagutin rin nito ang tawag ng tungkulin na masilbihan ang buong bayan kahit anong hirap pa man ang kailangang tahakin.

Magugunitang unang sumabak sa politika si Leni isang taon matapos mamatay sa plane crash ang kaniyang asawa noong August 8, 2012.

Read more...