Illegal at premature ang ginawang hakbang ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na ipasok sa Provisionary Witness Protection Program si pork barrel scam queen Janet Lim-Napoles.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Albay Congressman Edcel Lagman na nakasaad sa Section 10 ng Republic Act 6891 na maari lamang maipasok sa WPP ang isang taong nakagawa ng krimen kung hindi ito ang most guilty.
Malinaw aniya na inaakusahan sa Sandiganabyan si Napoles na mastermind sa multi-bilyong pisong pork barrel scam kung kaya kahit saang anggulo tingnan. Lalabas na siya ang pinaka-most guilty dahilan para hindi magkwalipika sa WPP.
Sinabi pa ni Lagman na ang special prosecutor ng Office of the Ombudsman na ngayon ay nagpo-prosecute kay Napoles ang kinakailangan na mag determina kung kwalipikado itong maging state witness at hindi ang Department of Justice.
Dagdag pa ni Lagman, ang Sandiganbayan, kung saan nakabinbin ngayon ang kasong plunder ni Napoles ang mayroong hurisdiksyon kung gagawin itong state witness.