Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Aguirre na hindi pa tapos at hindi pa naisusumite ni Napoles ang kanyang affidavit.
Ayon kay Aguirre, hindi makalalabas ng kulungan kailanman si Napoles, at hindi maapektuhan ng kahit kaunti ang kasong plunder na kinakaharap nito sa Sandiganbayan.
Wala rin aniya tsansa na maibaba ang kasong plunder ni Napoles na isang non-bailable offense.
Sakali man aniyang maipasok si Napoles sa WPP, ito ay dahil sa mga bagong kaso na isasampa sa iba pang mambabatas at iba pang personalidad ng nakaraang administrasyon na nakinabang sa pork barrel funds.
Nilinaw pa ni Aguirre na si Napoles ang nag-apply sa WPP at hindi ang DOJ ang gumawa ang inisyatibo.
Wala rin aniya deal na inialok ang gobyerno kay Napoles kundi target lamang na maparusahan ang iba pang personalidad na nakinabang sa pork barrel funds.
“Wala kaming deal na ini-oofer sa kanya (Napoles). Ang hinihingi lang namin ay to show or to know ano ba ang maitutulong mo sa prosecution ng mga kriminal, mga offender, mga nagkasala sa gobyerno,” pahayag ni Aguirre.