Nagtungo si Pope Francis sa dambana ng isa sa mga pinakasikat na santo ng Simbahang Katolika na si St. Pio of Pietrelchina sa Santa Maria delle Grazie sanctuary sa San Giovanni Rotondo, Italy.
Libu-libong mananampalataya ang nag-abang at sumalubong sa Santo Papa na nilakbay ang dalawang bayan sa timog ng Italya na mga bayan ng Pietrelchina at San Giovanni.
Sa mga lugar na ito isinilang at binawian ng buhay si St. Pio of Pietrelchina, mas kilala sa tawag na Padre Pio na isang Capuchin friar.
Ang pagbisita ng Santo Papa ay nagmarka sa sentenaryo ng pagpapakita ng ‘stigmata’ ni Padre Pio at saktong ika-50 taong ding anibersaryo ng kanyang kamatayan.
Si Padre Pio ay isa sa mga santo na pinagpakitaan at nakaranas ng ‘stigmata’ o mga kahalintulad na sugat ng Panginoong Hesus.
Sa kanyang mga Homilya at talumpati ay ginunita ng Santo Papa kung paanong nalampasan ni Padre Pio ang umano’y pagpapahirap ng demonyo sa pamamagitan ng taimtim nitong pagdarasal at pagpapatibay sa pananampalataya sa Panginoon.
Hinimok niya ang bawat mananampalataya na tularan si Padre Pio at sakaling napapasailalim sa problema at kalungkutan ay ilagay ang sarili sa piling ni Hesus.