Nagpahayag na ng kahandaan para sa pagtakbo bilang Pangalawang Pangulo si Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa pamamagitan ng kanyang mensahe na ipinarating sa mga mamamahayag, sinabi ni Marcos na nagpasya siyang tumakbo bilang Pangalawang Pangulo makaraan siyang makipag-usap sa ilang mga taga-suporta at kaibigan.
“Noong Miyerkules ay lumipad ako sa Davao City kung saan ay naka-usap ko si Mayor Rodrigo Duterte”, pag-amin ni Marcos.
“Sinabi ni Mayor Duterte na susuportahan niya ako kung sakaling ako ay magpasyang tumakbo bilang pangalawang pangulo at sinabi ko naman na siya’y susuportahan ko kung siya naman ang mag-desisyon na tumakbo bilang pangulo”, Paliwanag pa ng mambabatas.
Ayon kay Marcos, nagpasya siyang tumakbo para tapusin na ang tinatawag niyang “politics of personality” na siyang dahilan ng kung bakit bakit ang mga dati nang makapanyarihan ay sila pa rin ang naghahari sa kasalukuyan maliban pa sa malalang mga kaso ng corruption sa bansa.
Inamin din ni Marcos na nagkaroon ng mga serye ng pag-uusap sa kanilang pagitan ni Vice-President Jejomar Binay hanggang sa dumating sila sa punto na halos ay magkasundo na sila para sa isang partnership sa halalan.
Pero inamin ng Senador na hindi natuloy ang kanilang tambalan dahil sa ilang isyu ng “political history”.
Naging Human Rights Lawyer noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos si Binay ay naging taga-suporta pa siya ng rehimeng nagpabagsak sa administrasyon ng dating Pangulo.
Ang nasabing mga political differences ang siyang hadlang kaya hindi natuloy ang naturang alyansa.
Sa huli sinabi ni Marcos na iniiwan niya sa taumbayan ang kanyang kinabukasan sa pulitika kasabay ng paglalahad ng kanyang mga nagawa bilang isang lingcod-bayan sa nakalipas na dalawampu’t anim na taon sa pulitika.
Bago naging Senador ay naka-tatlong termino bilang Gobernador ng Ilocos Norte si Marcos at naging kinatawan rin siya sa Kongreso ng kanyang lalawigan.