Mula noong World War II bubuksan sa unang pagkakataon sa publiko para sa Visita Iglesia ang mga makasaysayang simbahan at chapel sa loob ng Intramuros Maynila.
Ayon sa Department of Tourism (DOT) at sa Intramuros Administration, pitong chapels ang bubuksan nila sa publiko para sa VIsita Iglesias a Huwebes Santo, March 29.
Kabilang dito ang dalawang tanyag na simbahan sa Intramuros na Manila Cathedral at San Agustin Church.
Ang lima pang simbahan at chapel ay ang San Ignacio Church, Guadalupe Shrine sa Fort Santiago, Knights of Columbus Fr. Willman Chapel, Lyceum of the Philippines University Chapel, at ang Mapua University Chapel.
Ito ang unang pagkakataon mula noong World War II na magiging posible ang Visita Iglesia sa Intramuros.
Inanunsyo din ng DOT na sa Huwebes Santo hanggang sa Sabado de Gloria (March 29 hanggang 31) ay magkakaroon ng Via Crucis stations sa General Luna Street sa Intramuros mula Betrio hanggang Muralla.
Isasara sa publiko ang nasabing kalsada para bigyang daan ang pagdarasal.