Mga pulis na nanggahasa umano ng buntis sa Bulacan, ipapapako sa krus ni Gen. Dela Rosa

Kuha ni Mark Makalalad

Nagbanta si Philippine National Police Chief Ronald Dela Rosa na ipapapako nya sa krus ang mga pulis sa Bulacan na umano’y nanggahasa sa isang buntis na ina.

Sa media presentation na isinagawa sa Bulacan Provincial Police Office, personal na kinausap ni Dela Rosa ang mga akusadong pulis at binantaan sa posibleng kahantungan ng mga ito.

Anya, wala syang pakielam kung drug offender ang ginang at kung ano ang background nito dahil ang mahalagang matukoy ay kung may pang-aabuso nga ba na ginawa ang mga pulis.

Pagtitiyak nya, papasok na ang Internal Affairs Service sa insidente at ang kaukulang administratibo at kriminal na kaso ay isasampa matapos mangalap ng ebidensya laban sa mga akusado, bilang bahagi ng “due process”

Batay sa reklamo ng 29 na taong gulang na biktima, halinhinan siyang ginahasa ng apat na pulis na nagsasagawa umano ng drug operation sa isang bahay sa Barangay Bangkal, Meycauayan Bulacan, matapos palabasin ng mga pulis ang lahat ng tao sa bahay.

Nagpaubaya na lang aniya siya matapos umanong magbanta ang mga pulis na ang kanyang 2-taong gulang na sanggol na kanyang kasama noong panahong iyon ang kanilang gagahasain kung palapag ang biktima.

Positibong kinilala ng biktima ang 3 sa 4 na suspek na pulis na sina PO2 Jefferson Landrito, P01 Marlo delos Santos, at PO1 Jeremy Aquino.

Kahapon, nag-report sa Bulacan Police Provincial Office ang mga pulis.

Wala nang baril at tinanggal na sa puwesto ang mga pulis at nasa ilalim na ng restrictive custody.

Isasailalim din sila sa drug test.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...