Nakiusap si Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM Governor Mujiv Hataman sa Kongreso na pagtibayin na ang panukalang Bangsamoro Basic Law o BBL bago magtapos ang 2015.
Sa panayam sa Kamara, sinabi ni Hataman na para sa kapayapaan sa Mindanao ay marapat na ipasa na ang BBL, o kilala rin bilang Basic Law for the Bangsamoro Autonomous Region.
Paniwala ni Hataman, kung gugustuhin ay kayang-kaya ng mga Mambabatas na ipasa ang panukala sa loob ng isang linggo.
Paalala naman ni Hataman, na dati ring mambabatas, may obligasyon ang mga nahalal sa Kamara na kilatisin kung sang-ayon sa Saligang Batas ang BBL, subalit ang mga mamamayan pa rin ng Bangsamoro Region ang huling magpapasya.
Umapela rin si Hataman sa mga politiko na huwag gawing “election issue” ang BBL.
Ang BBL ang siyang magiging kapalit ng ARMM sa oras na maging ganap na batas na ito. Si Hataman ay nasa Mababang Kapulungan para sa plenary deliberations at pagpapatibay ng panukalang pondo ng ARMM sa 2016 na nagkakahalaga ng 29.4 billion pesos.