Bakbakan sumiklab sa pagitan ng militar at NPA sa Masbate

Sumiklab ang bakbakan sa pagitan ng puwersa ng militar at mga kasapi ng New People’s Army (NPA) sa Barangay Talisay, San Fernando ng Ticao Island sa Masbate.

Ayon sa ulat na nakarating sa punong himpilan ng 9th Infantry (Spear) Division, nagsasagawa ng combat operation sa lugar ang mga sundalo mula sa 2nd Infantry Battalion nang makasagupa ang mga rebelde sa nasabing lugar dahilan upang magkaroon ng 20-minutong palitan ng putok sa magkabilang panig.

Narekober sa pinangyarihan ng sagupaan ang limang M16 rifle, limang improvised explosive devices, limang rifle grenade, isang M653 carbine, apat na rounds ng bala para sa M203, mga personal na gamit at mga backpack na naglalaman ng mahahalagang dokumento.

Suwerte namang walang nasaktan sa panig ng pamahalaan habang pinaniniwalaan na marami ang nasugatan sa hanay ng NPA dahil nabigla umano ang mga ito.

Samantala, ikinagalak naman ng pamunuan ng 9th Infantry Division ng Philippine Army ang maganda umanong resulta ng mga isinasagawang hakbang upang matigil na ang kaguluhan sa lalawigan ng Masbate.

Nanawagan din sila na bukas pa rin ang pinto ng pamahalaan sa sinumang nagnanais nang magbalik loob at tahakin ang normal na pamumuhay.

 

 

 

 

 

 

 

Read more...