WATCH: 11 kabataan huli sa pot session sa Maynila

Kuha ni Justinne Punsalang

Arestado ang 11 kabataan, kabilang ang 8 menor de edad matapos maaktuhang gumagamit ng marijuana sa Sampaloc, Maynila.

Ayon kay Manila Police District (MPD) Station 4 Station Drug Enforcement Unit (SDEU) chief Police Senior Inspector Pidencio Saballo Jr., binabantayan ng mga pulis na nakadestino sa Lacson Police Community Precinct (PCP) ang CCTV sa Lacson Footbridge matapos laging mapansin na ginagawa itong tambayan ng mga kabataan.

Aniya, sa kanilang monitoring ay napansin ng mga pulis na nagsasagawa ng pot session ang mga kabataan kaya naman agad silang nagtungo sa lugar.

Bago pa umano makaakyat sa magkabilang dulo ng footbridge ang mga pulis ay naamoy na nila ang usok ng marijuana.

Sinubukan pang tumakas ng mga kabataan ngunit dahil nanggaling sa magkabilang dulo ang mga otoridad ay nahuli ang mga ito.

Narekober mula sa mga kabataan ang isang plastic na naglalaman ng tuyong dahon ng marijuana, lighter, at tooter.

Hindi naman na tumanggi ang mga kabataan sa ginawa. Anila, nagkayayaan lamang silang magkakabarkada.

Paalala ni Saballo sa mga magulang, siguraduhin na nakauwi na ang mga anak lalo na kapag disoras ng gabi.

Mahaharap ang tatlong 18 taong gulang na kabataan sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Habang ang korte na ang magdedesisyon kung nasa age of discernment na ang 8 mga menor de edad.

 

 

 

 

 

 

Read more...