Budget para sa party at outing ng mga tauhan ng gobyerno dapat isapubliko

playgirls
Inquirer file photo

Hinamon ni Kabataan Partylist Rep. Terry Ridon ang lahat ng ahensya ng gobyerno na iulantad nila sa publiko ang mahigit P1Billion Annual Budget para sa “extraordinary and miscellaneous expenses.”

Ito’y sa gitna ng kontrobersiya sa oath taking ceremony ng mga bagong kasapi ng Liberal Party na isinabay sa kaarawan ni Laguna Rep. Benjie Agarao noong Huwebes na nabahiran ng intriga dahil sa malaswang performance ng Playgirls na sinasabing special gift daw ni MMDA Chairman Francis Tolentino.

Ayon kay Ridon, ang naturang taunang P1Billion na pondo ay ginugugol umano ng mga opisyal ng pamahalaan na pang-party, pang-outing at pondo para sa ibang pang “extra ordinary activities.”

Sinabi ni Ridon na base sa data mula sa Department of Budget and Management o DBM, naglaan daw ang gobyerno ng kabuuang 3.1 billion Pesos na pondo na ginamit sa mga party at out-of-town trips para sa mga taong 2014, 2015 at 2016.

Batay pa aniya sa DBM, ang Mataas at Mababang Kapulungan ang nakatanggap ng pinakamataas na alokasyon para sa extraordinary and miscellaneous expenses kada taon na sinundan naman ng Judiciary.

Ang Office of the President naman ay may average na P16.4Million na extraordinary and miscellaneous expenses bawat taon, samantalanag ang DILG ay may annual 7.6 Million Pesos na pondo para sa kahalintulad na gawain.

Bagaman nasa ilalim ng General Appropriations Bill, sinabi ni Ridon na ang pondo ay “prone” o bukas sa pang-aabuso, lalo’t hindi suportado ng regular budget allocation.

Dagdag ni Ridon, legihitimo naman ang budget para sa extraordinary and miscellaneous expenses, pero ang malaking tanog ay kung papaano at magkano ang inilalaan para sa mga official entertainment, public relations at iba pa.

Higit sa lahat, may karapatan aniya ang publiko na malaman ang bawat detalye, lalo’t hindi umano tama na nagbabayad ng buwis ang taxpayers para lamang sa mga malalaswang party at iba pang kasuklam-suklam na gawain.

Read more...