30 miyembro ng Abu Sayyaf, nakasagupa ng militar sa Sulu

Nasabat ng mga militar ang dalawang high-powered firearms mula sa kamay ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa engkwentro na naganap sa Sulu.

Ayon sa Western Mindanao Command, nagsasagawa ng military operation ang 5th Scout Ranger Battalion sa pangunguna ni Lieutenant Colonel Marlon S Jomalesa nang makasagupa ang nasa 30 myembro ng ASG na pinangungunahan ni Radulan Sahiron at sub-leader na sina Julie Ekit, Amlon Abtahi, at Amah Asam.

Nasa 20 metro ang layo ng engkwentro dahilan para makapagpaputok ng malapitan ang militar sa kalaban.

Gayunman, naging maingat umano ang mga militar dahil sa posibleng kidnap victims na hawak ng grupo.

Dahil sa artillery at mortar fires na mula sa reinforcing units, wala rin nagawa ang mga kalaban kundi tumakbo.

Nakuha mula sa kanila ang Elisco M16A1 rifle at Colt M16A1 rifle makaraang ma-clear ang area kahapon sa may bahagi ng Barangay Panglahayan, Patikul.

Bagaman hindi tiyak ang bilang ng mga nasugatan, sinabi naman ni Brigadier General Cirilito Sobejana, commander ng Joint Task Force Sulu posibleng may nasawi sa panig ng ASG sa bakbakan.

 

 

 

 

 

Read more...