Muling magsasagawa ng tigil-pasada ang transport group na PISTON sa Marso 19, araw ng Lunes bilang pagpapatuloy sa mariin nilang pagtutol sa jeepney modernization program ng gobyerno.
Ayon sa grupo, magiging sentro ng kanilang tigil-pasada sa Metro Manila ay ang mga lugar ng Novalices at Cubao sa Quezon City, Monumento sa Caloocan City, Anda Circle sa lungsod ng Maynila at Alabang sa Muntinlupa.
Isasagawa rin ang protesta sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna at Rizal.
Ayon kay Piston National President George San Mateo walang patutunguhan ang mga jeepney drivers at operators kundi bumili ng mga bagong yunit na papabor sa rekisito ng gobyerno.
Samantala, sinabi naman ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) member Aileen Lizada na hindi totoong may phaseout ang mga jeepney bilang denomination at pawang modernisasyon ang nangyayari.
Inaayos lamang anya kung anong klaseng mga jeepney ang ilalagay sa daan.
Ayon naman kay San Mateo, kulang ang 3 bilyong piso na inilaang pondo ng pamahalaan para sa modernisasyon.
Nanindigan ang grupo na magpapatuloy ang kanilang protesta anuman ang sabihin ng gobyerno.