Duguan ang isang lalaki matapos itong kuyugin at pagtulungang bugbugin ng limang kalalakihan sa panulukan ng mga kalye ng Pedro Gil at Peñafrancia sa Paco, Maynila.
Ayon sa biktimang pulis na si PO1 Christopher Pizarro ng Beata Police Community Precinct, pauwi na siya mula sa kanyang duty nang banggain siya sa likod ng kanyang motorsiklo ng isa pang motor.
Sinita niya ang sakay ng motor para hindi siya nito takasan, ngunit doon na siya pinagtulungang bugbugin ng dalawang sakay ng motor, at dalawa pang kasamahan nito na sakay ng isa pang motor. Aniya, mayroon pang isang lalaki na sumali sa panggugulpi sa kanya.
Ayon pa kay Pizarro, nagpaputok siya ng 9mm na baril bilang warning shot ngunit inagaw pa ito ng mga salarin.
Samantala, hindi alam ng biktimang pulis kung ano ang rason ng walang habas na pambubugbog sa kanya ng limang lalaki. Aniya, hindi naman niya kilala ang mga ito.
Ilang oras matapos ang insidente ay sumuko sa Barangay 816 ang limang nanggulpi sa pulis at iba ang bersyon ng kanilang kwento.
Ayon kay Kurt Miranda na aminadong nakainom, naghaharutan silang magpipinsan sa Dapo Street nang mapadaan si Pizarro malapit sa kanila. Inakala umano ng pulis na siya ang pinatutungkulan sa asaran ng magpipinsan at sinabihan sila na naangasan ito.
Matapos ang insidente ay kapwa umalid ang dalawang panig, ngunit nag-abot sa Peñafrancia Street dahil doon din ang kanilang daan pauwi.
Ani Miranda, hindi niya sinasadyang mabangga ang motor ni Pizarro. Nang iginilid niya ang motor ay pinigilan umano siya nito at nilabasan at pinaputukan ng baril sa paa. Doon na niya niyakap ang pulis para mabigyan ng pagkakataon ang kanyang mga kasamahan na makuha ang baril ng pulis upang hindi na ito makapamaril ulit.
Matapos nito ay doon na nila inundayan ng suntok si Pizarro.
Dagdag pa ni Miranda, hindi nila alam na pulis ang lalaki.
Samantala, ayon kay Police Senior Inspector Edwin Fuggan ng Pandacan Police, mahaharap sa kasong physical injury ang magkakamaganak na Miranda at pinag-aaralan pa nila kung mayroon pang ibang kasong dapat isampa laban sa mga ito.
Paalala naman ni Fuggan sa mga motorista, huwag magmaneho kung lasing at lalo na kung mainit ang ulo. Para naman sa mga pulis, panatilihin ang dispiplina at maging ehemplo sa mga mamamayan.