Nagising na lamang ang isang lalaki sa katok ng mga pulis sa kanilang bahay upang sabihin na nasusunog na ang kanyang motorsiklo.
Nakilala ang suspek sa panununog na si Adonis Ducot alyas Dawe, 42 taong gulang at residente ng La Purisima Street, Barangay 820, Zone 88 sa Paco, Maynila.
Ayon sa biktimang si Ricardo Silva, hindi niya alam kung bakit tila napagtripan ni Ducot ang kanyang motor na nagtamo ng pinsalang aabot sa ₱10,000 bukod pa sa bahagya ring nadamay sa apoy ang pader ng kanilang bahay.
Kwento ng suspek, dala lamang ng kanyang pagkagulo dulot ng hindi siya tanggap ng kanyang mga magulang kaya niya napagkursunadahan ang motorsiklo.
Aminado si Ducot na gumamit siya ng shabu at lasing pa bago silaban ang motor gamit ang lighter.
Ayon pa dito, kalalaya lamang niya sa kulungan at dati na rin itong naipasok sa mental institution.
Hiling niya sa kanyang mga magulang, maging kay Pangulong Rodrigo Duterte, bigyan ang mga katulad niyang ex-convict ng pangalawang pagkakataon at muli silang pagtiwalaan.
Samantala, ayon kay Pandacan Police Chief Investigator, Police Senior Inspector Geo Colibao, mayroong record ng paglabag sa dalawang city ordinances na concealing of deadly weapon at breach of peace si Ducot. At dahil sa pagsunog nito sa motorsiklo ay mahaharap ito sa kasong arson na isang non-bailable case.