Mga ‘iskolar ng bayan’ dapat manilbihan sa mamamayan habang nag-aaral – CHED

 

File photo

Inanunsyo ng Commission on Higher Education (CHED) na kailangang manilbihan sa bansa sa loob ng isang may tiyak na haba ng panahon ang mga estudyanteng nakikinabang sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act (UAQTEA) o free college tuition act.

Sa pulong balitaan sa pinalawig na Implementing Rules and Regulations (IRR) ng free college tuition act ay sinabi ni CHED Officer-In-Charge Prospero de Vera III na tama lang na magbalik ng kaunti ang mga iskolar sa bayan dahil ang bayan ang nagpapaaral sa mga ito.

“Meaning totoong ‘Iskolar ng Bayan’ ka na ngayon. Kasi ang nagpapaaral sa ‘yo ang bayan. Hindi ba tama lamang na magbalik ka naman ng konti sa bayan?”, ani De Vera.

Ayon kay De Vera, inaasahang maggugol ang mga estudyante ng kanilang ‘return of service’ habang nag-aaral sa kolehiyo.

Sakaling hindi anya tumugon sa pagbibigay serbisyo ay kinakailangang magbayad ang mga estudyante ng kanilang tuition fee dahil nakapaloob ito sa probisyon ng nasabing batas.

Iginiit ng opisyal na ang ‘return of service’ ay kinabibilangan ng mga gawaing noon pa ay mayroon na sa mga eskwelahan tulad ng bahagi ng trabaho ng mga student assistants sa mga paaralan gaya ng book filing sa mga library at pagtatanim para mapaganda ang mga eskwelahan.

Ani De Vera, desisyon ng mga Pamantasan kung ano ang ipatatrabaho sa kanilang mga mag-aaral.

Gayunman, iginiit nito na hindi bibigyan ang mga mag-aaral ng mabibigat na trabaho at tiniyak na sasailalim pa sa ebalwasyon ng CHED ang mga tasks na imumungkahi ng mga unibersidad.

Agosto noong nakaraang taon nang lagdaan ni Pangulong Duterte ang UAQTEA act.

Kinakailangan lamang na makapasa ang aplikanteng mag-aaral sa admission test para makakuha ng libreng education assistance.

Read more...