Kontrobersyal na resort sa Boracay, ipinasara na

 

Inquirer file photo

Tuluyan nang ipinasara ng lokal na pamahalaan ng Malay sa Aklan ang kontrobersyal na Boracay West Cove resort.

Ito’y dahil sa patuloy na operasyon nito sa kabila ng kawalan ng mga kaukulang permits tulad na lamang ng business permit.

Isinilbi ng mga opisyal at tauhan ng munisipyo ang closure order sa nasabing resort na matatagpuan sa Barangay Balabag.

Nabisita na rin ito ni Environment Sec. Roy Cimatu na ipinag-utos naman ang pagpapagiba sa mga iligal na istruktura ng nasabing resort tulad na lang ng mga itinayo nila sa tuktok ng rock formations.

Kinansela na rin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang 25-taong Forest Land Use Agreement for Tourism Purposes na inilabas para sa nasabing resort na sumasakop sa 998 square meters.

Gayunman, umapela naman ang may-ari nitong si Crisostomo Aquino sa Office of the President pero nakabinbin pa rin ito.

Ilang beses naman nang itinanggi ni Aquino ang mga umano’y paglabag ng kaniyang resort, at ipinahinto pa sa korte ang pagpapa-demolish sa ilang bahagi nito noong 2014.

Read more...