Ipinag-utos ni British Prime Minister Theresa May ang agarang pagpapaalis mula sa kanilang bansa ng nasa 23 mga Russian diplomats.
Ang desisyon ni Prime Minister May ay kasunod ng insidente ng paglason sa isang dating Russian spy at sa anak nito kamakailan na naninirahan na sa Great Britain.
Sa kanyang talumpati sa House of Commons, sinabi ng Punong Ministro na walang puwang sa kanilang bansa ang ganitong uri ng mga pag-atake.
Bukod sa pagpapalayas sa 23 opisyal, suspendido rin muna ang lahat ng high-level bilateral talks sa pagitan ng Russia at Great Britain.
Matatandaang nadiskubre ng mga otoridad ang tangkang pagpatay sa dating Russian spy na si Sergei Skripal at anak na babae nito na Yulia sa Salisbury noong March 4.
Ang mag-ama ay nananatiling nasa kritikal na kondisyon sa ospital matapos ma-expose sa nerve agent na ‘Novichok’ na ginawa sa Russia.
Bukod sa dalawa, 36 na residente pa ng Salisbury ang na-expose rin sa nakamamatay na kemikal.
Noong Lunes, sinabi ni May na malaki ang posibilidad na ang Moscow ang nasa likod ng nerve agent attack sa dating Russian spy.
Dahil dito, nagbigay ng deadline ang Prime Minister sa Kremlin upang magpaliwanag sa isyu.
Gayunman, hindi ito pinansin ng Russia.
Sa loob ng 30 taon, ngayon lamang muling tumaas ang tensyon sa pagitan ng Russia at Great Britain simula pa noong kasagsagan ng Cold War.