Ilang senador, naniniwalang tuloy pa rin ang kaso vs Duterte kumalas man ang Pilipinas sa ICC

 

Walang epekto ang deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na kakalas na ang Pilipinas sa International Criminal Court sa mga kasong kanyang kinakaharap sa naturang tribunal.

Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, malinaw naman sa Article 127 ng Rome Statute, na ang pagbibitiw ng isang inirereklamong opisyal ay hindi nangangahulugang maapektuhan na ang criminal investigation o proceedings sa kanyang kaso.

Kahit aniya nagbitiw na ang isang bansa sa ICC ay may responsibilidad pa rin ang naturang bansa na makipag-ugnayan sa korte batay sa petsa o panahon kung kailan naging epektibo ang pagkalas nito.

Naniniwala rin si Drilon na may kinalaman ang deklarasyon ng pagkalas ng pangulo sa ICC sa ginagawang preliminary examination ng tribunal sa kaso ng mga extrajudicial killings sa bansa kung saan itinuturong pasimuno si Duterte.

Samantala, ganito rin ang pananaw ni Senador Francis Pangilinan.

Ayon kay Pangilinan, sa ilalim ng Rome Statute, magiging epektibo lamang ang pagkalas ng isang bansa sa International Criminal Court makalipas ang isang taon.

Hihilingin naman ni Senador Joel Villanueva sa pangulo na bawiin nito ang kanyang pahayag na bumitiw sa ICC.

Aniya, naghahatid ng maling mensahe sa estadong-pulitikal ng bansa ang hakbang ng pangulo sa international community.

Read more...