Hindi na maaring ituloy ng International Criminal Court ang pag-iimbestiga sa war on drugs ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay matapos kumalas ang Pilipinas sa ratification ng Rome Statute na isang treaty na lumikha sa ICC.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, sa una pa lamang ay hindi maaring ipatupad ng Rome Statute ang kapangyarihan nito sa Pilipinas dahil hindi naman naipublish sa official gazette ng bansa ang kabuuang tratado.
Ayon kay Panelo, ang tanging nailathala lamang sa official gazette maging sa mga publication ng mga nangungunang pahayagan sa bansa ay nagkaroon ng tratado ang Pilipinas subalit hindi ang kabuuang teksto ng nasabing kasunduan.
Sinabi pa ni Panelo na ngayong tuluyan nang kumalas ang Pilipinas sa Rome Statute ay pinagtibay lamang nito na wala na talagang hurisdiksyon ang ICC na magsagawa pa ng imbestigasyon sa war on drugs.
Binigyang diin ni Panelo na hindi naman takot ang pangulo sa imbestigasyon ng ICC kung kaya kumalas ito sa Rome Statute.
Matatandang niratipikahan ng Senado ang nasabing treaty noong 2011.
Pero ayon kay Panelo, hindi na rin kinakailangan ng concucrrence ng Senado sa ginawang pagkalas ng Pilipinas dahil hindi naman mai-enforce ang Rome Statute dahil hindi nga ito naipublish sa official gazette ng Pilipinas.
Wala na rin aniya saysay ang Article 127 ng treaty na nagsasabing isang taon pa magiging epektibo ang pag withdraw ng isang miyembro nito dahil hindi naman naging epektibo ang Rome Statue sa bansa.
Matatandaang makailang beses nang sinabi ng pangulo na hindi kailanman magkakaroon ng hurisdiksyon ang ICC sa kanya para busisiin ang kanyang kampanya kontra sa ilegal na droga.
Sina Atty. June Sabio, Senador Antonio Trillanes at Congressman Gary Alejano ang naghain ng reklamong crime against humanity laban sa pangulo sa ICC dahil nauwi na umano sa mass killings ang kampanya ng administrasyon kontra sa ilegal na droga.