Tinotoo ni Senate Majority Leader Tito Sotto na may karugtong ang kanyang privilege speech noong Marso 6 ukol sa posibleng anomalya sa botohan noong 2016 elections.
Sa kanyang pangalawang privilege speech ukol sa kanyang alegasyon, apat na punto ang hinahanapan ngayon ni Sotto ng paliwanag mula sa Comelec at Smartmatic.
Una ay ang final testing at sealing ng vote counting machines na nangyari noong Mayo 8 at Mayo 9, 2016 na dapat ay nangyari ng Mayo 2 at Mayo 6 base resolusyon sa Comelec en banc session.
Ikalawa ay ang isyu ukol sa diumano’y pagkakaroon ng foreign access sa resulta ng naganap na eleksyon tulad nang nabanggit ni Comelec spokeman James Jimenez.
Ang tanong ni Sotto ukol dito ay kung ito ba ay aprubado rin ng Comelec en banc.
Ang pangatlong isyu na ibinahagi ni Sotto ay ukol sa pagkakaroon pa ng higit pa sa dalawang queuing servers na sa kanyang palagay ay ang talagang nagbigay bahid na sa integridad ng nangyaring eleksyon halos dalawang taon na ang nakakalipas.
At ang huling ipinunto ng senador ay ang hindi pagkaka- transmit electronically ng 3.86 percent ng election returns na kumakatawan sa 1.7 milyong boto.
Giit ni Sotto napakahalaga nito para sa mga nakabinbing electoral protests sa posibilidad na magbago pa ang bilang ng mga boto.
Sinabi ng mambabatas na sa pamamagitan ng pag iimbestiga ng Senado ukol sa kanyang mga pagbubunyag ay magkakaroon ang Comelec at Smartmatic ng oportunidad na magpaliwanag.
Bilang pangwakas, binuweltahan ni Sotto ang mga bumabatikos sa kanyang pagbubunyag at pinagsabihan sila na huwag nang sumawsaw pa sa isyu at makakabuti na isumite na lang nila ang mga dapat nilang isumite sa Senate probe.