Nagpahiwatig na ng interes sa paglahok sa 2019 senatorial race ang Special Assistant to the President (SAP) Secretary Bong Go kasunod nang paglulunsad ng “Ready Get Set Go” movement upang mahimok si Go na sumali sa darating na halalan.
Hindi nakadalo sa launching si Go na dinaluhan ng mga miyembro ng Gabinete sa pangunguna ni Foreign Affairs Secretary Alan Cayetano kasama sina Labor Secretary Silvestre Bello III, Trade and Industry Secretary Mon Lopez, Defense Secretary Delfin Lorenzana, National Security Advised Hermogenes Esperon, PCO Sec. Martin Andanar, Tourism Usec. Kat de Castro, Presidential Adviser Francis Tolentino, SBMA Director Benny Antiporda, Congressman Elray Villafuerte at ilan pang mga personalidad.
Absent sa paglulunsad ng movement si Go ngunit nagpaunlak ng tawag sa cellphone kung saan kanyang inihayag ang marubdob na pasasalamat sa kanyang mga taga-suporta at mga kapwa kasamahan sa gabinete.
Ayon kay Go, ito ang kanyang kauna-unahang pagsabak sa halalan sakaling siya ay matuloy ngunit siya ay nakiusap na bigyan muna siya ng sapat na panahon upang makapag-isip.
Nagpapasalamat aniya siya sa tiwala na ibinibigay sa kanya ngunit kanyang pakiusap ay tulungan at suportahan si Pangulong Duterte upang maging tagumpay ang pamumuno sa bansa.
Hindi rin aniya niya basta maiiwan ang Pangulo hanggang sa matapos ang termino nito malliban na lamang kung siya ay mauunang sumakabilang-buhay.