Ayon kay Ako Bicol Party List Rep. Rodel Batocabe, malaking karangalan para sa mga Bikolano na magkaroon ang kanilang rehiyon ng dalawang Vice Presidential Candidate sa eleksyon.
Hindi lamang si Robredo ang tatakbo sa pagka-Bise Presidente, kundi maging ang isa pang kababayan nila at nauna nang nagdeklara na si Senador Francis Escudero, na katambal naman ni Senadora Grace Poe.
Inamin ni Batocabe na malilito ang mga Bicolano at mahihirapang magpasya kung sino ang iboboto kina Robredo at Escudero pagdating ng halalan.
Sa kabila nito, sinabi ni Batocabe na para sa kanya ay malaki ang tsansa ni Robredo na maging ikalawang-Pangulo ng bansa, lalo na kung makilala ng mga botante ang Congresswoman na isang “magaling, masipag at matuwid” na tao.
Magugunitang sa isainagawang pagtitipon sa Club Filipino sa Greenhills, San Juan, pormal nang inanunsyo ni Roxas na makakatambal niya si Robredo sa halalan.
Samantala, maiksing “I wish her well” ang mensahe ni Senador Francis Escudero sa kapwa bicolanong si Robredo na kanyang makatutunggali sa vice presidential race sa 2016 elections.
Ayon kay escudero, kwalipikado si Robredo sa naturang posisyon at may karapatan na ialok ang sarili sa mas mataas na puwesto.
Umaasa si Escudero na magiging maayos ang kanilang palitan ng kuro-kuro ni Robredo para sa ikabubuti ng taong bayan.