Pormal nang ipinakilala ng Liberal Party si Camarines Sur. Rep. Leni Robredo bilang running mate ni Mar Roxas sa 2016 elections.
Sa kaniyang pahayag, sinabi ni Roxas na alam nilang matinding sakripisyo ito para kay Robredo at kaniyang tatlong anak.
Sinabi ni Roxas na hindi inambisyon ni Robredo ang maging bise presidente pero tumugon aniya ito sa tawag ng daang matuwid at ng mga ‘boss’. “alam naming hindi mo inambisyon na maging bise presidente ng bansa, pero kailangan ka ng daang matuwid, kailangan ka ng ating mga boss,” ayon kay Roxas.
Matapos ang talumpati ni Roxas, ipinakilala nito si Robredo bilang pambato ng LP sa pagkabise presidente.
Ayon kay Robredo, hindi naging madali ang kaniyang pagdedesisyon para tumakbo sa mas mataas na puwesto sa pamahalaan. Katunayan, itong nakaraang mga linggo aniya ang pinakamahirap na pinagdaan niya at kaniyang pamilya mula noong pumanaw si dating DILG Sec. Jesse Robredo.
Sinabi ni Robredo na tinanong pa niya noon ang kaniyang sarili, kung bakit siya ang napili ng LP gayung mas marami namang iba na pwedeng pagpiliian.
Pero isa sa mga nakatulong aniya sa kaniyang pagpapasya ay ang yumaong asawa. Ayon kay Robredo, kung si Sec. Jesse ay nabubuhay at siya ang nahaharap sa kasalukuyang hamon, alam niyang tutugon ito at uunahin ang bayan kaysa sarili. “kung si Jesse ay nahaharap sa tanong na “bayan o sarili” malinaw po sa aming mag-iina ang magiging sagot niya,” ayon kay Robredo.
Nagpasalamat din si Robredo sa kaniyang tatlong anak na malaki aniya ang naitulong sa kaniyang pagdedesisyon.
Ayon sa kongresista, pagtutuunan niya ng pansin ang mga naka-tsinelas na mamamayan, na sumasalalim sa mga taong nasa ‘laylayan ng lipunan’.
Sa huli sinabi ni Robredo na buo niyang ibibigay ang kaniyang sarili para maglingkod sa sambayanan. “Ibinibigay ko po ang aking sarili ng buong-buo sa ating mga kababayan, lalong-lalo na sa inyong mga nakatsinelas,” dagdag pa ni Robredo.