Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni DOH Spokesperson Lyndon Lee Suy, na ang mga pampublikong paaralan sa mga lugar na may mataas na kaso ng dengue muna ang uunahing pagkalooban ng insecticide-treated screens para maproteksyunan ang mga estudyante laban sa lamok.
“Sa mga eskwelahan po, magpo-provide po kami, initially, kasi hindi pa kakayanin kasi lahat, so initially sa mga identified high risk areas muna ng mga insecticide-treated screens sa mga public schools, nang sa gayon maprotektahan ang mga anak natin,”
Sinabi ni Lee Suy na nakapagtatala ng mataas na kaso ng dengue sa mga highly-urbanized areas o mga congested areas.
Bagaman may naitatala na din sa mga rural areas, mas marami talagang kaso ang naitatala sa mga highly-urbanized na mga lugar.
Ayon kay Lee Suy, plano ng DOH na palawigin din naman ang nasabing proyekto sa iba pang mga eskwelahan sa bansa. “ang plano natin unti-unti po ay palalawakin natin iyan,” dagdag pa ni Lee Suy.
Kasabay nito, muling nanawagan si Lee Suy sa publiko na panatilihin ang kalinisan sasa kapaligiran.
Sinabi ni Lee Suy na sa mga bahay nagsisimula ang kalinisan upang hindi magkaroon ng breeding sites ang mga lamok.
Narito ang mga pamamaraan mula sa DOH na maaring gawin sa mga tahanan para maiwasan ang pagdami ng lamok:
– Butasan, biyakin o kaya ay lagyan ng lupa ang mga gulong upang hindi maipunan ng tubig at pangitlugan ng lamok.
– Takpan ang mga drum, timba at iba pang ipunan ng tubig upang hindi pamahayan ng kiti-kiti at linisin ito minsan isang linggo.
– Palitan ang tubig ng plorera o flower vase minsan isang linggo.
– Linisin at alisin ang tubig sa paminggalan.
– Itapon ang iba pang bagay na maaring pag-ipunan ng tubig at pangitlugan ng lamok tulad ng lata, bote at tansan.
– Linisin ang alulod ng bahay upang hindi maipunan ng tubig at pamahayan ng kiti-kiti.
Magpatingin sa health center kung may lagnat na ng 2 araw.