Sa halip na mas bumilis ang proseso ng pagpasok istasyon ng mga MRT, lalo pang humaba ang pila ngayong unang araw ng paggamit ng Beep Card sa mga istasyon ng tren.
Mas mahabang pila ang dinatnan ng mga pasahero ngayong umaga kahit pa marami na ang nakabili ng beep card na inaasahang mas makapagpapabilis sana sa proseso ng pagpasok sa istasyon ng tren.
Ayon sa mga pasahero na araw-araw nang sumasakay sa tren, wala silang nakitang improvement o mabuting pagbabago sa unang araw ng pagpapagamit ng beep card.
Ang ibang pasahero naman ay umaasang makikita ang resulta sa susunod na mga araw.
Posible kasi umanong marami pang mga pasahero ang ngayon pa lamang bibili ng beep card at ang iba ay naninibago pa sa paggamit nito.
Ang beep card ay unang ipinagamit sa mga pasahero ng LRT line 1 at 2. Sa pamamagitan ng beep card, hindi na kailangang magpapalit-palit ng card ng mga pasahero dahil gagana ito sa tatlong rail system.
Reloadable din ang card kaya hindi na kailangang pumila araw-araw papasok at pauwi para bumili ng ticket.