Hipag ni Pangulong Duterte nabiktima ng nagpanggap na pinsan ng pangulo

Arestado ang isang lalaking negosyante matapos biktimahin ang mismong hipag ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kinilala ang suspek na si Alexander Bacquial na nagpakilala namang pinsan ng pangulo.

Sa pamamagitan ng warrant of arrest para sa kasong estafa ay inaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) si Bacquial sa Otis, Maynila.

Batay sa imbestigasyon ng NBI, anim na kasong estafa na may pending warrant of arrest ang nakasampa laban sa suspek. Ito ay sa mga lungsod ng Maynila, Caloocan, at Ozamis.

Isa sa mga reklamong kinakaharap ng suspek ang hindi nito pag-deliver ng nasa P30 milyong halaga ng diesel.

Ayon pa sa mga nabiktima ni Bacquial, sinabi nito na third cousin siya ng pangulo.

Depensa naman ng suspek, hindi siya nagpapakilalang kamag-anak ni Duterte.

Samantala, mismong ang asawa ng nakababatang kapatid ng pangulo ay nabiktima rin ni Bacquial.

Ayon kay NBI Special Action Unit chief Atty. Joel Tovera, maging sa kanilang himpilan ay sinasabi pa ng suspek na mayroong siyang mga kakilala sa gobyerno.

Sa ngayon ay nakakulong na ang suspek. Panawagan naman ng ahensya sa mga nabiktima na rin ni Bacquial, huwag mag-atubiling lumapit sa kanilang himpilan upang magsampa ng reklamo laban dito.

Read more...