Aminado ang Malacañang na nababahala sila sa pagbasura ng National Prosecutor Service sa kasong drug trafficking laban kina Kerwin Espinosa, Peter Lim at Peter Co.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, naiparating na ng Palasyo sa Department of Justice ang kanilang pagkabahala kung kaya umaasa ang kanilang hanay na pag-aaralan ng husto ni Secretary Vitaliano Aguirre ang kaso.
Sinabi pa ni Roque na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang nagsabi na dagdagan kung kulang ang mga ebidensya at kung may kababalaghan ay dapat na parusahan ang mga responsable sa pagkakabasura ng kaso.
Malinaw naman aniya ang polisiya ng pangulo na pagkasibak sa puwesto ang naghihintay sa mga kawani ng pamahalaan na nagpapabaya sa kanilang tungkulin.
Nauna na ring sinabi ng DOJ na kaagad nilang pag-aaralan ang mga dahilan kung bakit naibasura ang kaso laban sa nasabing mga drug personalities.