Nagsagawa ng kilos protesta ang mga myembro miyembro ng isang grupo ng mga manggagawa sa Gate 2 ng Camp Crame sa Quezon City.
Kinalampag ng nasa 10 miyembro ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang harapan ng headquarters ng Philippine National Police (PNP) para ipakita ang kanilang pagtutol sa Republic Act 10973 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Anila sa pamamagitan ng subpoena powers na ipinagkaloob sa hepe ng PNP, Director at Deputy Director for administration ng CIDG ay posibleng magkaroon ng ‘mass arrest’ at paglabag sa ‘due process.’
Anti-poor din anila ito kung maituturing dahil pawang mga mahihirap at manggagawa ang maapektuhan nito.
Dagdag pa nila, natatakot sila dahil baka maabuso lang ang subpoena powers at magamit lang sa hindi tamang paraan.
Nanawagan din ang grupo na pakawalan na ng PNP ang anila ay mga ‘political prisoners’.
Una nang sinabi ni PNP Chief Ronald Dela Rosa na ipapaubaya nya na lang sa CIDG ang paggamit ng subpoena powers at gagamitin lang nya ito kung kinakailangan.
Tiniyak nya rin na hindi nila ito aabusuhin dahil may safeguards naman ang naturang batas.