Limampu katao ang namatay, habang 9 na iba pa ang nawawala at patuloy na hinahanap matapos bumagsak ang eroplano ng US-Bangla Airlines sa Kathmandu, Nepal.
Ayon sa tagapagsalita ng Nepali army na si Gokul Bhandari, 71 katao ang sakay ng eroplano.
Sinasabing nanggaling ang eroplano sa Dhaka at papalapag na sana nang tumama ito sa airport fence bago nag-apoy.
Ayon sa tagapagsalita ng Tribhuvan International Airport na si Raj Kumar Chettri, matapos makatanggap ng permission to land ang eroplano ay sinabi ng piloto na mag-iiba siya ng panggagalingang direksyon.
Tinanong umano ng control tower ang piloto kung mayroon bang problema, ngunit sinabi nito na wala. Ilang beses pang tinanong ang piloto kung mayroon ba siyang nararanasang problema ngunit sinabi nito na maayos lamang ang kundisyon ng eroplano.
Hindi pa malinaw kung nag-isyu ba ng distress signal ang piloto.
Batay sa datos ng tracking website na Flightradar24.com, papalapag na ang eroplano mula sa taas na 4,400 feet nang umakyat ito hanggang sa 6,600 feet bago tuluyang bumagsak dalawang minuto ang nakalipas.