Tukoy na ng Presidential Task Force on Media Security ang suspek sa pagpatay sa mamamahayag na si Christopher Lozada.
Sa pulong balitaan sa Malacañang ay sinabi ni PTFOMS Usec. Joel Egco na kasong murder ang kanilang isasampa sa suspek na si Rolly Mahilum na driver at security aid ni Bislig City Mayor Librado Navarro.
Ayon kay Egco, hawak na nila ngayon ang isang testigo na magpapatunay na si Mahilum ang bumaril sa radio commentator na si Lozada.
Agad namang nilinaw ni Egco na hindi nila idinadawit si Navarro sa pagpatay kay Lozada pero depende pa aniya ito sa mga magiging testimonya ni Mahilum.
Ayon kay Egco, may kasong libel na isinampa ang mayor laban sa napaslang na mamahayag.
Sa ngayon, sinabi ni Egco na target na ng manhunt operation si Mahilum na nagtago na matapos ang pamamaril kay Lozada.
Magugunitang binaril at napatay si Lozada ng dalawang lalaki sa Brgy. Coleta sa Bislig City, Surigao Del Sur noong Oktubre ng nakaraang taon.