Imbis na parangalan ng Medal of Valor, naharap pa sa mga kasong kriminal at administratibo ang pinuno ng Special Action Force commandos na si Supt. Raymund Train.
Sa mismong araw kung kailan siya dapat bibigyan ng parangal, natanggap ni Train ang balita na siya ang itinuturo ng Ombudsman na responsable sa pagkamatay ng SAF 44 sa Mamasapano, Maguindanao sa kasagsagan ng Oplan Exodus laban kay Zulkifli bin Hir alyas “Marwan”.
Nahaharap ngayon si Train sa kasong neglect of duty at grave misconduct, at inakusahan pa ng Ombudsman ng hindi pagsunod sa chain of command.
Ipinagtataka ngayon ni Train kung bakit sa kaniya na napunta ang sisi, gayong nauna nang sinabi ng Ombudsman na ang mga rebelde ang pumaslang sa SAF 44.
Nakasuhan ng neglect of duty si Train dahil sa pagdedesisyon nitong gamitin ang “time on target” na konsepto ng koordinasyon, na otorisado rin ni dating Philippine
National Police chief Alan Purisima na nasuspinde rin at naharap sa mga kaso dahil rin sa nasabing operasyon.
Kasama rin dapat na pararangalan ng Medalya ng Kagitingan na katumbas ng Medal of Valor, si SAF Police Officer 2 Romeo Cempron na napatay sa operasyon, pero ang mga pangalan nila ni Train ay parehong biglang natanggal sa listahan.