Ayon sa Aviation Organization of Iran (OVA), lulan ng naturang eroplano ang tatlong crew at walong pasahero nang ito ay bumagsak mula sa himpapawid sa Shar-e Kord city.
Ayon pa sa OVA, nagmula ang Bombardier-type CL60 jet sa emirate ng Sharjah sa United Arab Emirates at patungo sana ng Istanbul sa Turkey nang bigla itong mawala sa radar.
Ilang mga saksi ang nagsabing kanilang nakita nila ang eroplano na nag-aapoy sa himpapawid bago ito tuluyang bumagsak sa bulubunduking bahagi ng syudad.
Ayon sa Transport Ministry ng Turkey, pag-aari ng kumpanyang Basaean Holding ang naturang eroplano.
Hinihinalang puro mga babae ang sakay ng nasabing private jet na tumungo sa Dubai para sa bachelorette party ng anak ng may-ari ng naturang kumpanya at isa rin sa mga managers nito na si Mina Basaran.
Makikita pa sa kaniyang Instagram account ang mga larawan sa kaniyang bachelorette party na ginanap sa Dubai nitong nagdaang weekend.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.