Kahalagahan ng kapayapaan sa South China Sea, pinagtibay ng mga ASEAN defense chiefs

 

Pinagtibay ng mga defense chiefs ng mga bansang kasapi ng Association of Southeast Nations (ASEAN) ang kahalagahan ng pagpapanatili sa seguridad at kapayapaan sa South China Sea.

Ito ang nilalaman ng inilabas na joint statement sa katatapos lang na ASEAN Chiefs of Defense Forces Informal Meeting sa Singapore na natapos noong March 8.

Kasama sa mga dumalo dito at lumagda sa joint statement ay si Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Gen. Rey Leonardo Guerrero.

Nakasaad dito ang pagsusulong na mapanatili ang “stability, safety and freedom of navigation and over-flight” sa pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea.

Para makamit ito ay naniniwala ang mga opisyal ng lahat ng miyembro ng ASEAN na dapat iwasan ang mga hakbang na magpapalala sa kasalukuyang sitwasyon sa rehiyon.

Hinihimok naman nila ang isa’t isa na mas pagtibayin pa ang “mutual trust and confidence” sa kanilang mga kapwa miyembro.

Samantala, sang-ayon naman ang mga defense chiefs sa framework na “Resilience, Response, Recovery” bilang paraan para paigtingin ang kapabilidad ng rehiyon na maiwasan ang mga terorismo at maharap ang mga kasalukuyan nang banta ng pag-atake.

Maliban sa mga ito, napagkasunduan din sa pagpupulong ang “operationalization of mechanisms” para mas mapabuti ang pagresponde ng ASEAN sa mga natural disasters.

Halimbawa ng mekanismong tinutukoy nila ang ASEAN Military Ready Group (AMRG) na layong makabuo ng isang ASEAN quick response team para sa mabilis na deployment sa mga bansang miyembro ng ASEAN na maaapektuhan ng mga disaster.

Read more...