Pagkakasali ng UN special Rapporteur sa terrorist list ng DOJ, base sa intel report – Malacañang

Victoria Tauli-Corpuz

Inihayag ng palasyo ng Malacañang na ang pagkakasali ni United Nations (UN) special rapporteur Victoria Tauli-Corpuz sa terrorist list ng Department of Justice (DOJ) ay base sa intelligence information na nag-uugnay dito sa mga rebeldeng komunista.

Sa pulong balitaan sa Alimodian, Iloilo ay nilinaw ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi ito pang-uusig ng gobyerno sa mga special rapporteurs ng UN.

Si Tauli-Corpuz ay isa sa mahigit 600 indibidwal na nais ng DOJ na makilalang mga ‘terorista’ base sa kopya ng listahan na nakuha ng INQUIRER.

Sa petisyon ng DOJ sa Manila Regional Trial Court (RTC) ay sinabi ng kagawaran na si Tauli-Corpuz ay miyembro ng Communist Party of the Philippines (CPP) – Ilocos – Cordillera Regional Committee (ICRC)

Sinabi naman ni Roque na maaaring kwestyunin ni Tauli-Corpuz sa RTC ang pending pang petisyon na nais ideklara ang CPP – NPA bilang isang teroristang grupo.

Ayon sa kalihim, isang sibilisadong bansa ang Pilipinas at mabibigyan ito ng pagkakataong mapakinggan at ipaliwanag ang kanyang sarili.

Read more...