Pahinante naipit sa loob ng jeep matapos mabangga at tumagilid sa Quezon City

Mahigit isang oras naipit sa loob ng sinasakyang jeep ang isang pahinante matapos itong mabangga at tumagilid sa panulukan ng Cuenco at Biak na Bato na sakop ng Barangay Sto. Domingo sa Quezon City.

Dahil sa aksidente ay nagkalat ang kanilang kargang mga hilaw na saging.

Kinilala ang biktimang si Benito Aguba na agad isinugod sa East Avenue Medical Center.

Ayon sa driver ng jeep na si Crispin Tunatos, nanggaling pa sila ng Tiaong, Quezon at idedeliver sana ang dalang mga saging. Habang binabagtas nila ang kahabaan ng Biak na Bato ay bigla na lamang silang binangga ng pickup na minamaneho naman ni Archimedes Aguilar.

Ani Tunatos, hindi kasi tumigil ang pickup sa intersection kaya sila sinalpok nito.

Hindi naman nagpaunlak ng panayam si Aguilar tungkol sa kung paano naganap ang aksidente.

Read more...